Rating: | ★★★★ |
Category: | Books |
Genre: | History |
Author: | Nilo S. Ocampo |
“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay mahigit pa sa hayop at malansang isda.”
Naisip kong ibalik kay Rizal itong sinabi niya nang una kong basahin ang likod ng pabalat ng librong Etikang Tagalog: Ang ikatlong Nobela ni Rizal na salin ni Dr. Nilo S. Ocampo, ang pamosong nagsalin din ng libro ni Coates tungkol kay Rizal. Paano naman kasi, bayaning naka-overkowt, ninanais at nahahatak magbarong tagalong muli, pero hindi na siya sanay, nahiyang na sa banyagang kasuotan (Ocampo, 1997)? Sino pa itong maalam sa wika, kabisado ang ibang wikang banyaga, sa sariling wika pa nahihirapan. Siya pa man din itong nagsusulong ng nasyonalismo at pagmamahal sa sariling wika.
Sitwasyon itong kinakaharap ng mga Pilipinong nakapag-aral at dalubhasa sa usapin ng wika at pagkabansa (Ocampo, 1997). Kahit nga sa panahon ngayon, nahihirapan nang magsalita ng Tagalog ang ilan. Dahilan na rin siguro ang impluwensya ng mga dayuhang mananakop at tawag ng panahon, kagaya ngayon na isinusulong ang globalisasyon. Marahil kung ano ang Ingles ngayon sa atin ay ganoon din ang wikang Espanyol noon. Maging ang mga panlalawigang wika ay kumokonti na ang nagsasalita. Kagaya na lamang ng wikang Kapampangan sa siyudad ng San Fernando, halos Tagalog na ang salita ng mga kabataan kahit na lumaki sila roon. Inamin ito ni Rizal, na nahihirapan na siyang magsulat sa Tagalog. Ngunit gayunpaman, hindi pa rin ito makapipigil sa kanya upang ipagpatuloy ang hangarin.
Heto na naman si Rizal. Hindi pa rin tumitigil sila ng kanyang pluma. Lingid sa kaalaman ng nakararami, bukod sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo, nagtangkang magsulat ng isa pang nobela ang ating pambansang bayani. Sinubukan niyang isulat ito sa wikang Tagalog, ngunit nahirapan siyang ipahayag ng malaya ang kanyang naiisip. Itinuloy niya ito sa wikang Espanyol ngunit hindi rin natapos.
Medyo naiiba ang nobelang hindi tapos na ito ni Rizal sa naunang dalawang nobela. Masyadong pulitikal at madamdamin ang dalawa. Ngunit sa ikatlong ito, papaksain lamang ay ang mga katutubong ugaling Tagalog, mga gawi, kagandahang-asal at kasiraan ng mga Tagalog. Pero kagaya ng Noli at Fili, hindi pa rin maaalis ang impluwensya ng mga Kura. Pilipinong-Pilipino rin ang pagkakagawa ng malikhaing may-akda sa paggamit ng medyo kakatuwang approach sa mga paglalarawan. Ugaling likas na sa mga Pilipino na pagaanin ang isang mabigat na reyalidad sa nakatutuwang paraan. Inilarawan niya ang buhay ng mga Tagalog sa paraang matatawa at maaasar. Matatawa sapagkat nangyayari nga iyon; maaasar sapagkat iyon ang katotohanan. Magugustuhan ito sigurado ng mga Pilipino. Parang kinuhanan ni Rizal ng isang litrato ang buong Pilipinas sa sinulat niyang ito. Isang litrato kung saan sinasalamin kung ano at sino ang mga Pilipino noong sinulat niya iyon. Nasa babasa na lamang kung ano pananatilihin, ipo-photoshop at ieedit. Mas matinding liwanag siguro itong magmumulat at kurot na gigising sa mga Pilipino kung natapos lang ito.
Tinupad ni Dr. Nilo S. Ocampo sa pagsalin niya nito sa wikang Tagalog ang pagnanais ni Rizal na maipakita ang kaugalian at kasiraan ng mga Tagalog sa wikang maiintindihan nila―sa wikang Tagalog. Isa na itong ganap na nobelang Pilipino na tungkol sa Pilipino na para sa mga Pilipino, gawang Pilipino, at sa wikang Pilipino. Bukod pa dito, magaling ang pagkakapili sa mga salitang ginamit sapagkat naaangkop pa ito sa panahon ngayon. Napagaan, napadali at naging lubhang masaya ang pag-aaral sa buhay at akda ng ating pambansang bayani. Sinong nagsabing boring ang kursong kasaysayan?
Sanggunian:
Ocampo, Nilo S. tagasalin. Etikang Tagalog: Ang Ikatlong Nobela ni Rizal. Lungsod Quezon: Lathalaing P.L., 1997.